Natapos na ang exam ko ng NCLEX. Nais kong ibahagi ang aking kakaibang swabeng karanasan ng aking pagsusulit na ito. Sadya namang di ko makakalimutan ito. Kasama ko si Shella na nagtake ng exam. Sa baba pa lang ng building ng Trident Towers sa Makati ay nakapila na ang mga candidates na mag-eexam. Bitbit ang aming mga pasaporte at mga permit animo'y mangingibang bansa na kami. Ramdam ko na ang tensyon at kaba. Pagakyat namin galing sa elevator ay sinalubong kami ng isang receptionist sa 27th na palapag, pinakuha kami ng numero sa pila para ipakita ang aming mga permit at pasaporte. Pagkatapos kinunan kami ng litrato at biometric ID, binigyan kami ng susi sa aming mga locker para iwan ang aming mga gamit. Pati sing-sing bawal, bawal din ang panyo, buti hindi bawal huminga. Ang tanging bitbit lang namin ay ang aming pasaporte, ang susi ng locker at mga panalangin (pero shempre may damit naman kami di ba?) Nagsimula akong sagutan ang mga praktis na tanong, sa bawat tanong ay pasimula ng aking pagsusulit. Bigla ko na lang napansin na nasa unang tanong na pala ko. Dumaan ang dalawang oras at napalapit na ko sa pang-75 tanong. Pagkatapos ko sagutan ay hindi pa rin tumigil ang kompyuter. Sa isip niya siguro ay di pa sapat ang mga sagot ko para gawing nars ng Amerika. Nakaramdam ako ng panglulumo at panghihina. Sumasakit na ulo ko kakaisip, at naisip ko sa sarili ko na baka hindi pa sapat ang aral na ginawa ko.Baka naging tamad ako at hindi ginawa ang aking tungkulin para sa paghahanda sa NCLEX. Inaasahan kong sa mga susunod na tanong titigil na kong sumagot pero hindi pa rin. May mga tanong na 5 beses tinanong sakin. Parang nakukulitan na ko pero alam ko hindi ko naitama ung mga naunang tanong kaya halos pareho ulit ung tinatanong sakin. Tama ang sabi ni Ma'am Anaski sa review center, mas kilala kami ng kompyuter kesa sa mga sarili namin, dahil alam ng kompyuter ang mga kahinaan namin. Pag dating ko ng mga 100 mahigit na tanong, hindi ko na binibilang kung pang ilang tanong na ko, bagkus ay binibilang ko na ang oras dahil baka kulangin ako. Di ko na lang namalayan sa tanong bilang 125 o hanggang 128 ay bigla na lang namatay ang kompyuter ko. Nanayo ang bahalibo ko sa katawan at maluha-luha akong nakatitig sa kompyuter. Nang ako'y nawala sa aking pagkatuliro, itinaas ko ang aking kamay at lumapit sakin ang bantay. Sabi niya tapos na ang exam ko at sagutin ko na lang daw ang survey. Pinindot ko lang ng pinindot ang aking daga (mouse) hanggang matapos ang survey at sinamahan ako ng bantay paglabas ng kwarto. Habang ako'y nasa locker at kinukuha ang mga gamit ko ay may nakasabay akong babae, tinanong ko siya kung natapos na niya ang pagsusulit, may kurot ng lungkot sa kanya ng sinabi niyang hindi pa. Natapos ako sa oras ng 7:41 at pagkatapos sa aking gutom ay kumain ako ng hapunan sa Pizza Hut sa may Gil Puyat malapit sa LRT. Hihintayin ko ako resulta ng aking pagsusulit makaraan ng mga 2 linggo o higit pa. Naniniwala ako na anuman ang maging resulta ay tatanggapin ko ng buo sa aking loob. Nagpapasalamat ako sa mga taong nanalangin para sakin at sa Diyos na siyang gumabay sakin.